Naniniwala si Deputy Speaker Janette Garin na dapat ituloy ang mga kinakailangang flood-control at shoreline-protection projects sa mga lugar na napatunayang mataas ang panganib sa pagbaha.
Ayon kay Garin, hindi dapat tuluyang itigil ang flood-control program dahil lamang sa mga naunang anomalya at substandard na proyekto.
Maaari naman kasi aniya na idaan ito sa validation at karagdagang pagsusuri, gaya ng site inspection, project boundaries, technical specifications, at mga hakbang laban sa pandaraya.
Mahalaga rin aniya ang mahigpit na monitoring, kabilang ang pakikilahok ng mga citizen watchdog, upang maibalik ang tiwala ng publiko sa flood-control spending.
Maaari rin aniyang i-blacklist ang mga contractor na mapapatunayang responsable sa substandard na mga proyekto.
Samantala, sinabi niyang anumang pagbabago sa panukalang 2027 national budget ay dapat may malinaw na batayan at hindi basta-bastang insertion.
Ayon kay Garin, maaaring amyendahan ang pondo kung may lehitimong pagbabago sa sitwasyon, gaya ng paglipat ng daluyan ng ilog, pagguho ng lupa, o pagbagsak ng mga lugar, basta’t may malinaw na justification at dumaan sa pagsusuri ng House leadership at Appropriations Committee.
“With the proper alignment, doon sa tinatawag na red areas, talagang kailangan-kailangan. And with the proper watchdogs, kailangan talaga siyang maibalik… Kailangan ito bantayan, but it does not mean to say na ihihinto natin. Kung ihinto mo nang tuluyan ’yung programang iyan, paano naman ’yung good projects? Paano naman ’yung communities that we need to protect?” ani Garin.