Inaprubahan ng House Ways and Means Committee, subject to style ang panukalang itaas sa ₱350,000 mula sa ₱250,000 ang annual taxable income na exempted sa personal income tax.
Kasabay nito, inaprubahan din ng komite ang panukalang magbibigay ng tax relief sa microenterprises sa pamamagitan ng exemption sa 2% Minimum Corporate Income Tax o MCIT.
Ang House Bills 10345 at 10346 ay inihain nina Speaker Faustino Dy III at Majority Leader Sandro Marcos.
Ayon kay Committee Chair Miro Quimbo, layunin nitong mabawasan ang pasanin sa mga manggagawa at maliliit na negosyo habang pinananatiling sapat ang pondo ng pamahalaan para sa mga pangunahing serbisyo.
Aniya, makatutulong ang tax relief sa maliliit na negosyo upang makapagpatuloy sa operasyon, mapanatili ang mga trabaho, at muling mamuhunan.
Sinabi rin ni Quimbo na maaaring pagsama-samahin ang mga tax relief measure at mga compensatory revenue measure bilang isang omnibus tax reform package.
Iginiit niyang kailangang balansehin ang pagbibigay ng tax relief sa taxpayers at ang responsibilidad ng pamahalaan na tiyaking sustainable ang pangongolekta ng kita para sa public services.