Inihain ni Navotas Representative “Toby” Tiangco ang panukalang tiyaking hindi maiiwan ang mga alagang hayop o kabuhayan kapag tumama ang mga kalamidad sa bansa.
Sa ilalim ng House Bill No. 10008 o ang proposed “Animal Rescue and Shelter During Disasters Act,” isinusulong ang pag-obliga sa mga lokal na pamahalaan (LGU) at barangay na isama ang paghahanda, paglikas, at pagbibigay ng pansamantalang kanlungan sa mga alagang hayop.
Layon din ng batas na ayusin ang ligtas na pagbabalik ng mga hayop sa kanilang mga may-ari, na isasama sa mga disaster risk reduction and management plan.
Binigyang-diin ni Tiangco na bahagi ng pamilya, pang-araw-araw na buhay, at kabuhayan ng mga Pilipino ang mga alagang hayop kaya dapat lamang na protektahan din ang mga ito.
Sa ilalim ng panukala, kinakailangang maglaan ang mga LGU at barangay ng mga lokasyon para sa temporary animal shelter, mga kaagapay na beterinaryo, probisyon para sa pagkain at tubig, sanitasyon, at tamang koordinasyon sa pagbibiyahe ng mga hayop.
Kung kakayanin at naaayon sa mga pamantayan ng pampublikong kalusugan at pasilidad, maaari ring maglaan ng nakahiwalay na puwesto sa mga human evacuation center para sa mga alagang hayop.
Ayon sa mambabatas, tumatangging lumikas ang ilang mamamayan dahil ayaw nilang iwan ang kanilang mga alaga, na naglalagay naman sa panganib sa kanilang buhay.