Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa mga Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Colombia matapos na yumanig doon ang magnitude 7.4 na lindol.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Charge d’affaires, Consul Judy Razon ng Embahada ng Pilipinas sa Colombia, ibinahagi nito na maayos ang kanilang koordinasyon sa mga Filipino Community roon, kung saan maagap ang mga ito sa pagpapadala ng mga impormasyon sa pasuguan kapag mayroong sakuna.
Ayon kay Consul Razon, batay sa talaan ng embahada, mayroong 119 na Pilipinong naninirahan at nagtatrabaho sa Colombia.
Samantala, bilang bahagi ng kanilang hurisdiksyon ang kalapit na mga bansang Venezuela at Ecuador na nakaramdam din ng pagyanig, kinumusta rin ng embahada ang mga Pilipino roon, na kalaunan ay pinagbigay-alam na nasa maayos ding silang kalagayan.
Kasunod ng lindol, nagpaalala ang pasuguan sa mga Pilipino sa rehiyon na patuloy pa ring sundin ang mga paalala ng pamahalaan para sa kanilang seguridad at kaligtasan.