Hinamon ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na pangalanan ang mga House prosecutor na umano’y may budget insertion at maglabas ng ebidensya.
Ito’y matapos iugnay ni Magalong ang ilang miyembro ng prosecution panel sa umano’y mga insertion sa pambansang badyet.
Ayon kay Ridon, walang katotohanan ang alegasyon dahil ang kasalukuyang 2026 General Appropriations Act ay ipinagbawal ang congressional insertions.
Habang hindi pa naman natatalakay at naipapasa sa Kongreso ang 2027 National Expenditure Program (NEP).
Kaya tanong ni Ridon, paano magkakaroon ng budget insertion o pork barrel ang mga House prosecutor kung wala pa namang budget deliberations.
Binalikan din ni Ridon ang nauna nang pahayag ni Magalong tungkol sa 67 kongresistang umano’y sangkot sa maanomalyang flood control projects na hindi naman nito pinangalanan.
Sa kabila nito, sinabi ni Ridon na mananatiling nakatutok ang prosekusyon sa paglalantad ng katotohanan at pananagutan sa mga nakalatag na impeachable offense ng bise presidente.