Maaari pang magsagawa ng fraud investigation ang Commission on Audit (COA) kaugnay ng paggamit ni Vice President Sara Duterte sa confidential funds ayon sa state auditor na tumestigo sa impeachment trial nitong Miyerkules.
Ayon kay COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office o COA-ICFAO state auditor Xylene del Campo, pinag-aaralan pa ng kanilang tanggapan ang posibilidad na magsagawa ng fraud audit sa mga transaksyon ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd).
Lumabas ito matapos tanungin ni Senator-judge Bam Aquino si Del Campo tungkol sa mga kuwestiyonableng pangalan ng mga tumanggap ng bayad mula sa confidential funds.
Binahagi ni Aquino ang pahayag ni dating COA auditor na si Heidi Mendoza na maaari aniyang mag-trigger ng fraud investigation ang mga hindi pangkaraniwang pangalan sa mga dokumento.
Ayon kay del Campo, kung sakali ay unang pagkakataon itong masusuri ng kanilang tanggapan kaya pinag-aaralan pa ang posibilidad ng pagsasagawa ng fraud audit.
Gayunman, nilinaw niya na kung kinakailangan, maaari itong isagawa.
Sinabi rin ng auditor na may panganib sa pagbabahagi ng mga dokumento sa ibang tanggapan dahil naglalaman ang mga ito ng sensitibong impormasyon. | ulat ni Nimfa Asuncion