Iniutos ng Philippine National Police (PNP) ang estratehikong pag-deploy ng mga bagong Unified 911 emergency response motorcycles para hindi maantala ang tulong ng pulisya.
Ito ang inihayag ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. sa turnover ng 20 motorsiklo para sa mga tanggapan ng pulisya sa Albay at Camarines Sur.
Ayon kay Nartatez, layon nito ang mas mabilis na pagtugon ng pulisya sa mga nangangailangan ng agarang tulong.
Bukod dito, inatasan din niya ang mga commander ng Police Regional Office 5 na tukuyin ang mga estratehikong lugar para sa deployment, at bigyang-prayoridad ang mga tawag sa 911.
Bahagi ang deployment ng mga motorsiklo ng nationwide rollout ng Unified 911 response capabilities, kung saan 20 units din ang ilalaan sa Makati City Police Station at 50 units sa Police Regional Office 8. Ang Unified 911 ay pinagisang emergency hotline para sa police, fire, medical, search at rescue services.