Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metro Manila Development Authority (MMDA) na bilisan ang paglilinis ng waterway sa Baclaran, sa pamamagitan na pina-igting na deployment ng kanilang mga tauhan at equipment sa lugar.
Kabilang na dito ang dump trucks, backhoes at inflatable rubber boat.
Ang direktibang ito ng Pangulo, makaraang personal na makita ang volume ng mga basurang naipon sa Baclaran River sa Parañaque, na naging sanhi ng pagbaha sa lungsod, nitong mga nakalipas na araw.
“First time na nangyari rito na three days ago napuno itong Parañaque… dati hindi nangyayari ‘yan,” -Pangulong Marcos Jr.
Sinamahan pa aniya ng sama-samang epekto ng TS Luis, Bagyong Maymay, at habagat.
“‘Yung bumagsak na tubig in the last week is the equivalent of one month’s rainfall, almost one meter. Kaya tayo nagkakaganito, nagkakaproblema tayo ng ganito,” – Pangulong Marcos Jr.
Tumagal nang higit 15 minuto ang ginawang inspeksyon ng Pangulo, kung saan sinabi nito na kumikilos na ang gobyerno para tugunan ang problema.
Katuwang rin ng gobyerno sa paglilinis na ito ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection, Department of Environment and Natural Resources’ (DENR), at mga benepisyarto ng TUPAD program ng DOLE.
Kung matatandaan, una nang sinabi ng MMDA na pumalo sa 750 cubic meter ang volume ng basurang nakolekta sa ilog, mula noong August 11.
Ang Malacañang, una na ring umapela ng kooperasyon mula sa publiko, para sa responsableng pagtatapon ng basura, sa gitna ng mga flood management at clearing operation na ginagawa ng pamahalaan.