Itinutulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ang pagpapatupad ng waste-to-energy program bilang hakbang upang matugunan ang lumalaking problema sa basura at makapagbigay ng karagdagang suplay ng kuryente.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag kasunod ng napakaraming basurang naipon sa mga daluyan ng tubig sa ilang lugar, kabilang ang Parañaque City, matapos ang pagbaha na dulot ng Bagyong Maymay at Habagat.
Sinabi ng Pangulo na lumala ang pagbaha sa lungsod matapos matangay sa mga kanal ang mga basurang nagmula sa iba’t ibang lugar doon at maipon ang mga ito dahil sa high tide.
“Nakita ninyo ‘yung mga picture na punung-puno ‘yung kanal, punung-puno ng basura na hindi naman galing sa Parañaque, galing sa ibang lugar ‘yun. Pero dahil nabuksan na ‘yung ating mga kanal, lahat doon napasok, nasabayan pa ng high tide kaya naipit ‘yung mga basura doon,” pahayag ng Pangulong Marcos Jr.
Sinabi ni Pangulo na sa ilalim ng programa mako-convert na kuryente ang mga basura gamit ang teknolohiya.
“Kami naman dito sa pamahalaan ay itutuloy na natin ‘yung waste-to-energy na program. Iyon ‘yung kinukuha ‘yung basura at ito ay pino-process at ginagawang kuryente. Napakalaking bagay niyan pagka natapos na natin, sandali lang siguro ‘yan kasi understood technology na ‘yan,” diin ng Pangulong Marcos Jr.
Sa harap nito, umapela ang Punong Ehekutibo sa local government units at sa publiko na itapon sa tamang lugar ang kanilang mga basura, sabay paalala at babala na magdudulot ng malaking pinsala ang pagtatapon ng mga basura kung saan-saan lang, lalo na sa panahon ng mga pag-ulan at pagbaha. “Nananawagan kami sa lahat ng involved, ang ating mga local government unit, ang ating lahat ng mamamayang Pilipino, mag-ingat po kayo dahil ang laking pinsala ang nangyayari kapag ‘yung basura natin ay hindi maganda ang pagtapon at dahil kung saan-saan na lang nilalagay,” —Pangulong Marcos Jr.