Ikinatuwa ng mga residente sa ilang bahaing lugar sa Metro Manila ang mabilis na paghupa ng tubig-baha sa gitna ng patuloy na pagpapatupad ng Marcos administration ng programang Oplan Kontra Baha.
Ayon sa mga residente mula sa Navotas, Valenzuela City, Quezon City, San Juan, at Las Piñas, malaki ang naging pagbabago kumpara sa mga nakaraang pag-ulan dahil sa agarang pagbaba ng baha kahit sa gitna ng malakas na buhos ng Habagat at mga nakalipas na bagyo.
Sa ginanap na Palace press briefing noong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nagdudulot na ng magagandang resulta ang mga proyekto tulad ng paglilinis ng mga estero at pinaigting na dredging operations.
Inilahad din sa Palasyo ang ilang pahayag at video footage ng mga residente—tulad ng sa Zapote, Las Piñas kung saan nakatulong ang operasyon ng pumping station, at sa Tanza, Navotas kung saan naisayos ang floodgate. Binigyang-diin din ang pagpapanatili ng daloy ng tubig sa G. Araneta Avenue sa Quezon City matapos mismong inspeksyunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkakabit ng mas malalaking tubo roon noong Hunyo.
Ayon naman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Don Artes, nanatiling nadadaanan ng mga sasakyan ang karamihan sa mga pangunahing kalsada sa kabila ng masamang panahon.
Samantala, kasabay ng personal na pag-inspeksyon ni Pangulong Marcos sa sitwasyon ng pagbaha sa Las Piñas, nanawagan ang Malacañang sa publiko para sa tamang pagtatapon ng basura. Ito ay matapos makakita si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ng napakaraming basurang nagbara sa Redemptorist Open Canal sa Parañaque City.
Hinimok ni Castro ang mga lokal na pamahalaan at mga opisyal ng barangay na higpitan ang pagpapatupad ng waste management laws at patawan ng kaukulang parusa ang mga lumalabag. “Hindi kakayanin ng gobyerno na magtrabaho nang magtrabaho, pero ang ating mga kababayan ay pabaya nang pabaya… Lahat po tayo dito ay dapat kumilos,” giit ng opisyal.