Buo ang tiwala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa bagong italagang kalihim ng Department of Health (DOH) na si Dr. Edwin Mercado at hindi na ito kinakailangan pang bigyan ng panibagong marching order dahil kabisado na nito ang mga prayoridad ng administrasyon sa sektor ng kalusugan.
Sa isang press briefing sa Malacañang noong Martes, ipinaliwanag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na alam na ni DOH Sec. Mercado ang mga hangarin ng Pangulo dahil naglingkod na ito mula sa kanyang dating posisyon bilang presidente at CEO ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
“Ang nais lamang po ng Pangulo ay matugunan ang lahat ng pangangailangan ng mga kababayan natin pagdating sa kalusugan,” pahayag ni Castro.
Binigyang-diin din ng opisyal na bukod sa mga pasyente, nakatutok din ang administrasyon sa kapakanan ng mga healthcare worker na nangangailangan ng suporta mula sa pamahalaan.
Ayon kay Castro, nararapat lamang na tugunan at bayaran ng gobyerno ang lahat ng mga obligasyon at benepisyong nakatakda nang ipamigay sa mga manggagawang pangkalusugan.
“Kung ano po ang kinakailangan na tulong at kung may kinakailangan po na obligasyon na bayaran ang ating mga health workers at ito naman po ay nakasaad na at kinakailangan nang i-release, kailangan din tulungan natin ang lahat ng ating mga health workers,” dagdag pa ni Castro.