Nagpaabot ng pakikiramay at pakikiisa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pamahalaan at mamamayan ng Colombia kasunod ng nanalasang malakas na magnitude 7.4 na lindol noong Lunes (Agosto 10) na kumitil sa buhay ng hindi bababa sa 132 katao.
Sa isang pahayag sa social media, ipinahayag ng Pangulo ang buong suporta ng Pilipinas sa Colombia sa gitna ng matinding pinsalang dulot ng kalamidad.
“Ang Pilipinas ay nagpapaabot ng aming taos-pusong pakikiramay sa Pamahalaan at mamamayan ng Colombia para sa mga pumanaw na buhay at sa pinsalang dulot ng makapangyarihang 7.4-magnitude na lindol,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na bilang isang bansang nakaluklok din sa Pacific Ring of Fire, labis na nauunawaan ng mga Pilipino ang sakit at mga hamong dala ng mga ganitong pagyanig.
“Kaisa kami ng Colombia sa kanilang pagbangon mula sa pagsubok na ito, sa muling pagpapatayo ng kanilang mga kabuhayan at komunidad, at sa kanilang ganap na paggaling. Ang aming mga panalangin at kaisipan ay nasa lahat ng mga naapektuhan,” dagdag pa ng Pangulo.
Naglabas na ng state of emergency ang Colombia matapos ang isa sa pinakamalakas na lindol na tumama sa kanilang bansa sa mga nakalipas na taon.
Naganap ang magnitude 7.4 na lindol noong 7:34 ng umaga (oras sa Colombia), kung saan naitala ang sentro nito malapit sa San José del Palmar sa kanlurang bahagi ng bansa, humigit-kumulang 280 kilometro sa kanluran ng capital city na Bogotá.
Nagdulot ang pagyanig ng malawakang pinsala sa mga impraskraktura, na agad namang sinundan ng masinsinang emergency response at recovery operations ng mga awtoridad doon.