Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na walang aasahang paggalaw sa presyo ng mga produktong agrikultural kasunod ng pinsalang iniwan ng mga nagdaang bagyong Maymay, Luis at matinding Habagat.
Ayon kay Agriculture Spokesperson Assistant Secretary Arnel De Mesa, maliit na bahagdan lang ng agri produce ng bansa ang napinsala na papalo sa 9,500 metriko toneladang mga pananim ang apektado sa mahigit 10 ektaryang sakahan at taniman.
Maliit na bahagdan lang ito kung ikukumpara sa 20 million metric tons agri produce ng bansa kada taon kaya naman magiging stable pa rin ang presyo ng mga pangunahing agricultural products.
Pagtitiyak pa ng opisyal na magiging mahigpit ang kanilang pagbabantay sa presyuhan ng mga pamilihan upang walang magsamantala at magtaas ng presyo sa panahon ng kalamidad na kinahaharap ng bansa.
Samantala, binigyang-diin din ng DA na kasado na ang lahat ng kanilang programa at interventions para matulungan ang mga magsasaka at mangingisda na labis na sinalanta ng mga nagdaang bagyo at habagat.