Ipinunto ni House Prosecution Spokesperson Representative Zia Alonto Adiong na ang paglilipat ng confidential funds mula sa designated Special Disbursing Officers (SDOs) patungo sa ibang tao ang pinakamabigat na paglabag sa paggamit ng pondo.
Sa pagsisiyasat ng Kamara noong 2024, lumabas na tinanggap umano nina Col. Raymund Dante Lachica ng Vice Presidential Security and Protection Group at Col. Dennis Nolasco na security officer na itinalaga sa DepEd ang confidential funds matapos i-encash.
“Kaya nga sinasabi ko, the very fact na tinransfer nito na hindi naman transferable, it’s already making the utilization of the confidential funds unlawful expenses and irregular and doon sa joint circular…Itong expenses na ito ng confidential funds na nag-disallow nila because the very premise of giving that to Lachica and giving that to Colonel Nolasco already is a violation of the joint circular,” diin ni Adiong.
Ayon kay Adiong, kapansin-pansing hindi binabanggit ng depensa ang mga pangalan nina Lachica at Nolasco dahil lalo umanong lilinaw ang sinasabing paglabag sa joint circular kapag napag-usapan ang kanilang papel.
Giit niya, hindi maaaring ilipat ng SDO sa ibang tao ang awtoridad at responsibilidad nito sa paghawak ng confidential funds.
Ipinaliwanag naman ni House prosecutor Keith Flores na bonded ang isang SDO kaya may pananagutan ito sa gobyerno sakaling mawala, ma-misuse o hindi ma-account ang pondo.
Anya, kapag ipinasa ang pera sa taong hindi itinalagang SDO at hindi bonded, nawawala ang proteksiyong nakalaan sa pamahalaan.
“Ang SDO is appointed for a purpose na siya ang responsible sa pera na yan. And that’s why pinagbabawal po na i-transfer niya pa to another person…So kung ipasa mo yun sa tao na hindi mo alam kung bonded ba or not, then you’re already violating everything that it is intended for. Kasi nakawala na yung security ng government eh,” saad ni Flores.
Binigyang-diin ng prosekusyon na hindi lamang teknikal na usapin ang paglilipat ng pondo dahil malinaw itong paglabag sa panuntunan kahit may iba pang dokumentong isinumite para sa liquidation. | ulat ni Kathleen Forbes