Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Isinusulong ng Bureau of Internal Revenue (BIR), sa ilalim ng pamumuno ni BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, ang mga inisyatiba gaya ng C.H.A.T. (Counsel, Help, Assist Taxpayers) program upang mas mapalaganap ang kamalayan ng taxpayers patungkol sa tamang pagbabayad ng buwis.
Sa programang “Ang Pilipinas Ngayon ng Radyo Pilipinas World Service, ipinaliwanag ni BIR Spokesperson Deputy Commissioner Marissa Cabreros na mayroong mga indibidwal na hindi naman sinadya na hindi maka-comply sa kanilang tax obligations dahil sa kakulangan sa awareness kaugnay nito.
Kaya naman, ayon kay Deputy Commissioner Cabreros, tuluy-tuloy ang kampanya ng BIR pagdating sa education at information dissemination upang matulungan pa ang mga taxpayer.
Ngunit, aniya, kapag paulit-ulit nang hindi nagko-comply kahit ilang beses nang pinaaalalahanan ang taxpayer, kinakailangan nang ipatupad kung ano ang isinasaad ng batas tulad ng pagbibigay ng penalties o pagsasara mismo ng negosyo, na kilala rin bilang Oplan Kandado.
Matatandaan na inilunsad ng BIR ang 2026 National Tax Campaign noong Pebrero 13, 2026 bilang bahagi ng National Tax Awareness Month.