Kapwa binatikos ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon at Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña ang naging inasal at mga pahayag ng defense counsel ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Kristine Ferrer sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado.
Ginawa ng mga mambabatas pahayag sa mainit na sagutan sa impeachment court ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan at Atty. Ferrer.
Sinabi ni Rep. Ridon, na tila may “anger issues” ang depensa matapos sitahin ang pagsigaw di umano ni Ferrer sa witness, sa katunggaling abogado, at maging sa presiding officer na si Senator Francis “Chiz” Escudero.
Ayon kay Ridon, senyales ito ng mahinang argumento ng depensa.
Tinawag naman ni Rep. Perci Cendaña na “shameless” ang naging pahayag ni Ferrer na pinapayagan ang mga misleading question sa cross-examination.
Binigyang-diin ni Cendaña, na ang naturang gawi ay hindi na lamang usapin ng taktika kundi nagpapakita ng tunay na karakter ng opisina ni VP Sara—kung saan kapag hindi pabor ang katotohanan, ang solusyon ay linlangin ang taumbayan.