Iginiit ng Pasig City Government na paiiralin nila ang Executive Order no. 25 hinggil sa awtomatikong suspensyon ng klase sa mga paaralan tuwing may nakataas na Heavy Rainfall Warning sa Metro Manila.
Ito’y makaraang magdulot ng kalituhan ang post ng Pasig City Public Information Office sa Facebook hinggil sa naging suspensyon sa pang-hapong klase kahapon, makaraang maglabas ng YELLOW Heavy Rainfall Warning ang PAGASA
Sa ilalim kasi ng naturang EO, awtomatikong suspendido ang in-person classes mula Kinder hanggang Senior High School kabilang ang daycare centers sa lungsod at sa halip ay ipatutupad ang alternative delivery mode.
Subalit sandali lang ang itinagal ng naturang post at binura ito sa naturang platform, dahilan upang pabalikin ang mga estudyante sa mga paaralan sa kabila ng malakas na buhos ng ulan
Ayon sa Pasig PIO, mananatiling epektibo ang naturang kautusan, may anunsiyo man mula kay Pasig City Mayor Vico Sotto o wala.
Una rito, nangako rin si Sotto sa kaniyang naunang FB post na burado na rin ngayon na kaniyang ipag-uutos ang anunsiyo ng class suspension sakaling pumasok na sa pamantayang inilatag ng PAGASA.