Photo courtesy of House of Representatives
Pasado na sa Kamara ang House Bill 9605 o National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026.
Kabilang ito sa LEDAC priority measures na layong protektahan ang mga Pilipino at mahahalagang serbisyo laban sa cyberattacks.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy III, kailangang palakasin ang kakayahan ng pamahalaan dahil mas nakadepende ang publiko sa digital systems.
Sa ilalim ng panukala, itatatag ang National Cybersecurity Agency sa ilalim ng Office of the President na mangunguna sa cybersecurity policy, standards, monitoring, at pagtugon sa cyber incidents.
Inaatasan din ang mga operator ng critical information infrastructure na magsagawa ng regular risk assessment, cybersecurity audits, at agarang pag-uulat ng high-risk cyber incidents.
Pinalalakas naman ng panukala ang incident response sa pamamagitan ng National Computer Emergency Response Team at National Security Operations Center.
“Kung magkaroon ng cyberattack sa mga kritikal na sistemang ginagamit sa kuryente, telekomunikasyon, bangko, at iba pang mahahalagang serbisyo, posibleng libu-libong Pilipino ang maperwisyo…Ang cybersecurity ay hindi lamang usapin ng teknolohiya. Usapin ito ng seguridad, serbisyo, at kapakanan ng bawat Pilipino. Kailangang may malinaw na pamantayan, may nakatutok na ahensiya, at may kakayahang tumugon agad kapag may banta,” ani Dy.