Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Bagama’t aabot sa PhP60-B na personal income tax ang mawawala oras na itaas ang personal income tax exemption threshold mula PhP250,000 tungo sa PhP350,000, nasa 3.13 milyong Pilipinong manggagawa naman ang inaasahang makikinabang sa isinusulong na tax relief ng ating pamahalaan.
Ito ang ibinahagi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Spokesperson Marissa Cabreros sa programang “Ang Pilipinas Ngayon” ng Radyo Pilipinas World Service.
Matatandaan na isa ang naturang recalibration sa mga tinalakay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa kanyang ika-5 State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 27, 2026.
Ayon kay Deputy Commissioner Cabreros, kabilang din sa makikinabang ang karagdagang 1.2 milyong manggagawa na hindi na magbabayad ng personal income tax basta’t mas mababa sa PhP350,000 ang kanilang taunang kita.
Sa kasalukuyan, ani Cabreros, nasa 5.1 milyong manggagawa ang nasa below-PhP250,000 threshold na hindi na nagbabayad ng kani-kanilang income tax.
Ipinaliwanag ng BIR spokesperson na kapag idinagdag na ang 1.2 milyong manggagawa na nasa below-PhP350,000 threshold ay nasa mahigit anim na milyon na ang exempted sa pagbabayad ng personal income tax.