Photo courtesy of the Phillippine National Police
Pinaigting pa ng Philippine National Police (PNP) katuwang ng iba pang ahensya ang search and rescue operations sa iba pang mga indibidwal na patuloy pa ring pinaghahanap mula sa nasunog na MV JUNE ASTER sa Coron, Palawan
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., kaniya nang inatasan ang PNP Maritime Group na tumulong sa Philippine Coast Guard (PCG) sa patuloy na paghahanap.
Dagdag pa ng PNP Chief, ikinalulungkot niya ang naturang insidente sabay pagpapaabot ng pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi.
Hindi bababa sa lima ang kumpirmadong nasawi dahil sa trahedya, habang nasa 43 pasahero at crew naman ang nailigtas mula nang mangyari ang insidente noong Miyerkules ng gabi.
Batay sa passenger manifest, mayroong 117 pasahero at 17 crew sakay ng MV JUNE ASTER nang ito ay umalis sa pantalan ng Maynila patungong Coron, Palawan.
Ayon sa Philippine Coast Guard, 87 indibidwal ang nananatiling hindi pa natatagpuan sa nagpapatuloy na search and rescue.
Kasunod nito, inatasan din ng PNP Chief ang mga kinauukulang police units na tumulong sa imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang sanhi ng sunog at matukoy ang mga responsable sa insidente.