September 15 ang ibinigay na timeline ng Department of Energy (DOE) para matapos na ang extended repair and maintenance sa mga planta sa Cebu at Panay.
Ito ang tiniyak ni Energy Undersecretary Mario Marasigan sa gitna ng nararanasang kakulangan sa suplay ng kuryente sa Visayas nitong weekend sa isang 169 megawatts plant sa Cebu.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Marasigan na nagdulot ang kasiraan ng 500 megawatts shortage na suplay ng kuryente dahilan para magkaroon ng manual load dropping.
Pero ibang kaso naman aniya ang nangyari sa isang 150 megawatts sa Panay dahilan na baka first week pa ng October tuluyang maisaayos ang problema dito.
Ganunpaman, makatutulong, ani Marasigan, ang mga battery energy storage sakali mang hindi pa din tuluyang mawala ang Red and Yellow Alert.