Nagbabala ang PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa publiko laban sa modus na recovery scam na gumagamit ng AI-generated content at nagpapanggap na mga lehitimong ahensya.
Sa pulong balitaan sa Camp Crame, sinabi ni PNP-ACG Director Major General Wilson Asueta na nagpo-post ang mga scammer sa social media ng mga AI-generated na video at photo na nagpapanggap na PNP-ACG at Cybercrime Investigation and Coordinating Center, at nag-aalok umano ng serbisyo para marekober ang perang nawala sa scam.
Ayon kay Asueta, target ng modus ang mga dating biktima na ng scam. May tatawag umanong nagpapanggap na pulis, abogado at financial expert, hihingi ng bayad para sa mga fee at initial transaction, at pagkatapos ay biglang mawawala o ide-deactivate ang kanilang Facebook page.
Samantala, nagpaalala rin si Asueta sa publiko laban sa credit card fraud sa pamamagitan ng vishing, smishing at phishing, at nagbabala na huwag magbigay ng OTP, PIN o iba pang personal na impormasyon sa mga hindi kilalang tumatawag, nagte-text o nag-eemail.
Sinabi naman ni Asueta kung paano posibleng nakukuha ng mga scammer ang credit card details ng mga biktima.
Meron tayong tinatawag na mga IMSI catcher so nakakapagkuha sila ng detail at meron din tayong tinitingnan na anggulo na meron insider, so that’s why we have a close coordination with banks and other financial institutions to have a close partnership and coordination in terms of counter-intelligence and information sharing so that we can really address this situation, ani Asueta. | ulat ni Diane Lear