Itinutulak ni Senador Ping Lacson ang pagtataas sa compulsory retirement age ng mga uniformed personnel ng Philippine National Police (PNP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) mula 56 tungo sa 57 years old.
Nakapaloob ito sa Senate Bills 2395 at 2396 na inihain ni Lacson sa Senado.
Sa Senate Bill 2395, iminungkahi ng senador na gawing 57 years old ang compulsory retirement age ng mga uniformed personnel ng PNP.
Ayon kay Lacson, makatutulong ang dagdag na isang taon para magkaroon ng mas mahabang panahon ang pamunuan ng PNP na maipatupad ang mga kinakailangang institutional reforms at magamit nang husto ang kaalaman at kasanayan ng mga beteranong tauhan.
May ilang transition provision din sa panukala, kung saan ang mga uniformed personnel na wala pang isang taon sa serbisyo sa oras na maging epektibo ang batas ay maaaring pumili na magretiro sa edad na 56.
Samantala, mananatiling 56 years old ang compulsory retirement age ng incumbent Chief of the PNP.
Mabibigyan din aniya nito ng dagdag na panahon ang mga senior officers na maipasa ang kanilang karanasan at institutional knowledge sa mga mas batang personnel.
Samantala, sa Senate Bill 2396, nais ding itaas sa 57 years old ang compulsory retirement age ng uniformed personnel ng BJMP at BFP.
Layunin nitong bigyan ang mga senior officer ng dalawang ahensya ng pagkakataong masulit ang kanilang expertise, leadership at karanasan, habang naipapamana ang mga ito sa susunod na henerasyon ng mga tauhan.
Nakasaad na maaaring payagan ng kaukulang komisyon ang isang opisyal na may ranggong chief superintendent, director o deputy director general na manatili sa serbisyo nang hanggang isang taon.
Gayunman, hindi na maaaring palawigin pa ang naturang isang taong retention period.
Ayon kay Lacson, ang dalawang panukala ay nakaayon din sa naging adjustment sa compulsory retirement age ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP).