Iginiit ni Manila 6th District Rep. Bienvenido Abante ang mas mahigpit na pagsusuri ng Kongreso sa paggamit ng pondo ng mga ahensya ng gobyerno.
Sa Saturday News Forum, binigyang-diin ni Abante ang mahalagang papel ng oversight committee sa pagmamatyag sa pagpapatupad ng mga programa at paggastos ng pondo.
Aniya, dapat sumailalim sa masusing pagsusuri ng oversight committee ang mga ahensya, lalo na bago ipatupad ang mga programa.
Tinalakay din ni Abante ang proseso ng 2027 national budget, kabilang ang National Expenditure Program (NEP), na panukala pa lamang ng executive branch.
Ipinaliwanag niya na dadaan pa sa deliberasyon at posibleng pag-amyend
a ng House of Representatives at Senate ang NEP bago ito maging General Appropriations Act (GAA).
Kinuwestiyon din ni Abante ang Unprogrammed Funds at For Later Release (FLR), lalo na ang pagpapaliban ng pagpapalabas ng pondong kailangan ng mga distrito at mamamayan.
Samantala, binigyang-diin niya na maaaring magmungkahi ng mga proyekto ang mga kongresista para sa kanilang mga distrito, pero hindi nila pag-aari ang appropriation. Dagdag ni Abante, hindi rin dapat pakialaman ng mga mambabatas ang pagpili ng contractor para sa mga proyekto.