Wala nang inaasahang pagbaha sa mga mabababang lugar na sakop ng Tullahan River sa Metro Manila.
Sa final Flood Bulletin na inilabas ng PAGASA, sinabi nitong hindi na kabilang sa mga lugar na inaasahang maaapektuhan ang ilang bahagi ng Quezon City, Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela.
Nasa 79.67 meters ang lebel ng La Mesa Dam alas-5:00 ng madaling-araw, mas mababa sa 80.15-meter overflow level nito.
Inaasahan ding patuloy na bababa ang lebel ng dam, habang mahinang pag-ulan lamang ang naitala sa nakalipas na 12 oras.
Gayunman, pinaalalahanan pa rin ng PAGASA ang mga residenteng malapit sa mga ilog na manatiling alerto sa thunderstorms na maaaring magdala ng pag-ulan. Samantala, patuloy pang nagpapakawala ng tubig ang Ambuklao at Binga dams sa Benguet.