Nanawagan ang People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) para sa kaligtasan ng mga hayop sa panahon ng sakuna at kalamidad.
Sa panayam ng Kuwentuhang Green Mindset kay Jana Sevilla, Senior Campaigner for the Philippines ng PETA Asia, sinabi nito na ang mga lugar para sa hayop katulad ng zoo at rescue centers ay hindi makaiiwas sa epekto ng kalamidad.

Aniya, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Agriculture (DA) upang mapabilang ang mga ito sa emergency at disaster preparedness plan ng pamahalaan.
Nagbigay rin ng paalala ang PETA Asia sa publiko na maging responsable sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga alagang hayop sa kani-kanilang mga tahanan.

Siguraduhin na may nakalaang Go Bag para sa mga alagang hayop na naglalaman ng kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, at tuwalya. Mahalagang lagyang din ang mga ito ng collar na may nakakabit na contact details upang madali silang matukoy kung mawalay sa atin sa oras ng emergency.
Binigyang-diin ni Sevilla na ang mga hayop ay katulad din ng mga tao na nangangailangan ng nararapat na atensyon at proteksyon mula sa anumang panganib.