Pinuna ng House prosecution team si VP Sara Duterte kaugnay ng kanyang hindi pagdalo sa sarili niyang mga pagdinig, habang nagawa nitong samahan ang kanyang kapatid na si Rep. Paolo Duterte sa pagdinig ng kaso nito sa korte.
Giit ng prosecution panel, dapat ding harapin ng Bise Presidente ang mga paratang at proseso ng pananagutan laban sa kanya.
Base sa reports, sinamahan ni VP Duterte ang kanyang kapatid na si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte noong August 13 sa arraignment nito sa Regional Trial Court Branch 52 sa Lungsod ng Davao kaugnay ng kasong grave threats na inihain ng isang negosyante.
Ayon kay House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon, ang pagdalo ng Bise Presidente sa kaso ng kanyang kapatid sa kabila ng hindi niya pagdalo sa kanyang sariling mga pagdinig ay nagdudulot ng mga tanong kung paano niya pinahahalagahan ang kasong impeachment.