Naharang ng mga awtoridad ang tinatayang ₱21 milyong halaga ng smuggled cigarettes sa karagatan ng Sipalay City, Negros Occidental kahapon.
Pitong indibidwal ang naaresto sa operasyong pinangunahan ng PNP Maritime Group, kasama ang iba pang police units at Philippine Coast Guard units sa Negros Island Region.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., nasa 525 master cases o 26,250 reams ng sigarilyo ang nasamsam mula sa isang motorized banca na may markang “Amor Pati.”
Tinatayang ₱8.8 milyon ang halaga ng 220 master cases ng isang brand, habang ₱12.2 milyon naman ang halaga ng 305 master cases ng isa pang brand.
Kasama ring kinumpiska ang motorized banca na ginamit sa paghahatid ng mga sigarilyo. Kaugnay nito, mahaharap ang mga suspek sa mga kaso sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Customs Modernization and Tariff Act, at Graphic Health Warnings Law.