Photocourtesy of PHILVOCS
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang PHIVOLCS ng siyam na volcanic earthquake at isang rockfall event sa Bulkang Mayon, ayon sa ulat ng ahensya ngayong August 16, 2026.
Patuloy ang pagdaloy ng lava sa mga gullies ng Basud (3.8 km), Bonga (3.2 km), at Mi-isi (2.7 km), habang nakitaan din ng banaag ang bulkan.
Umabot sa 2,135 tonelada kada araw ang sulfur dioxide flux ng bulkan, batay sa pinakahuling monitoring ng ahensya nitong August 15.
Nasa katamtamang pagsingaw ang plume ng bulkan na napadpad sa silangan-hilagang-silangan. Naitala rin ang pamamaga ng bulkan, na may panandaliang pag-impis sa hilagang-silangang bahagi nito.
Sa ngayon, nananatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Bulkang Mayon, kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer Permanent Danger Zone at ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Pinaalalahanan din ng ahensya ang publiko sa posibilidad ng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, rockfall mula sa tuktok ng bulkan, at pag-agos ng lahar sakaling magkaroon ng matinding pag-ulan. | ulat ni Syrl Anne Luzon | RP Albay