Ipinag-utos ng Commission on Elections (COMELEC) sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na agad tukuyin at panagutin ang mga nasa likod ng umano’y pamamaril sa convoy ni BARMM Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong Sabado.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, may kaugnayan man o wala sa nalalapit na halalan ang insidente, aniya, dapat mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar upang mapanatili ang tiwala ng publiko, kasabay ng pagtiyak na igagalang ang mga karapatang nakasaad sa Konstitusyon habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Sa ngayon, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa insidente.
Samantala, mariing kinondena ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU sa pangunguna ni Sec. Mel Sarmiento ang pag-atake at nanawagan sa publiko na manatiling kalmado, iwasan ang mga haka-haka, at hayaan ang mga awtoridad na magsagawa ng isang patas na imbestigasyon.
Binigyang-diin din niya na, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dapat magkaisa ang lahat ng sektor sa pagsuporta sa COMELEC at sa mga pwersang panseguridad upang matiyak ang mapayapa, maayos, at may kredebilidad na halalan sa Bangsamoro sa Setyembre. Ligtas naman sa nasabing pananambang si Macacua at ang mga kasapi ng kanyang delegasyon.