Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Mayroon nang ugnayan ang ating Embahada at Migrant Workers Office (MWO) sa Prague sa mga awtoridad sa Czech Republic upang maiparating ang aktwal na mga pangangailangan ng overseas Filipino workers (OFWs) habang sila ay namamalagi sa naturang bansa.
Sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, ibinahagi ni MWO-Prague Administrative Staff Alexandra Feliz Lipio na mayroong Joint Communiqué ang Pilipinas at Czech Republic na natatakda ng labor consultation mechanisms sa pagitan ng dalawang nasyon.
Ayon pa kay Lipio, ito ay isang pormal na plataporma para sa mga diskusyon sa recruitment, employment condition, labor migration, at worker protection.
Dagdag niya, sa tulong ng Philippine Embassy sa Prague ay mayroong mga pagpupulong kasama ang iba’t ibang government institutions sa Czech Republic, tulad ng Ministry of Labor at Ministry of Foreign Affairs.
Sinabi rin ng kawani ng MWO-Prague na “supportive” ang pamahalaan ng Czech Republic pagdating sa pagbibigay ng resources upang maging mas handa ang foreign workers sa pananatili nila sa kanilang host country.
Samantala, nagpaalala naman si Lipio sa mga Pilipino na nais magtrabaho sa Czech Republic na magtungo lamang sa mga recruitment agency na lisensyado ng Department of Migrant Workers (DMW).
Aniya, bukod sa mga dokumento ay ihanda rin ng aspiring OFWs ang kanilang kalusugang pangkaisipan dahil makararanas ang mga ito ng adjustment pagdating sa bansa kung saan sila magtatrabaho.