Screengrab from Radyo Pilipinas World Service FB livestreaming
Isinasagawa ng pamahalaan ng Czech Republic ang tinatawag na Adaptation and Integration Course (AIC) upang matulungan ang mga bagong saltang migrant worker, kabilang na ang mga overseas Filipino worker (OFWs), sa naturang bansa.
Sa programang “Usap-Usapan” ng Radyo Pilipinas World Service, sinabi ni Migrant Workers Office (MWO) – Prague Administrative Staff Alexandra Feliz Lipio na sa pamamagitan ng AIC ay maiintindihan ng foreign workers ang kani-kanilang mga karapatan, obligasyon, at pang-araw-araw na buhay sa Czech Republic upang maging mas maayos ang kanilang adjustment.
Ani Lipio, kasama sa AIC ang isang face-to-face orientation na inilulunsad ng Czech Ministry of the Interior at isinasagawa sa mga authorized integration center.
Dagdag niya, English ang karaniwang language option para sa mga Pilipino ngunit mayroong Czech to Filipino translation ang AIC sa darating na Setyembre.
Ayon pa sa kawani ng MWO-Prague, mahalaga para sa mga OFW na kumuha ng kursong ito dahil dito rin tinatalakay ang residence rules, healthcare, housing, public services, at maging ang umiiral na kultura sa Czech Republic.
Pagbibigay-diin ni Lipio, dapat ay matapos ng isang OFW ang AIC sa loob ng isang taon matapos matanggap ang kanyang biometric residence card.