Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapatindi ng siguridad at ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon kaugnay ng pag-atake sa konboy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof Macacua, habang binigyang-diin na hindi hahadlangan ng karahasan ang paglipat ng rehiyon sa demokratikong pamamahala.
Mabigat na kinondena ng Pangulo ang insidente at nanawagan sa lahat ng panig na manatiling mahinahon at igalang ang karapatan at buhay ng bawat Pilipino.
“Nananawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maging mahinahon at pairalin ang pagiging makatao na may respeto sa karapatan lalong-lalo na sa buhay ng bawat kababayan natin,” pahayag ni Palace Press Officer Claire Castro ngayong Linggo.
Inatasan ng Pangulo ang mga kaugnay na ahensya ng pamahalaan na mas higpitan pa ang seguridad sa mga komunidad sa Bangsamoro at siguraduhing mapapanagot sa batas ang mga nasa likod ng pag-atake.
Nakaligtas at walang sugat si Macacua nang paulanan ng bala ng mga armadong salarin ang kanyang konboy noong Sabado, bandang 4:45 ng hapon, sa pambansang highway sa Barangay Bitu, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Tinamaan ng ilang bala ang kanyang armored vehicle, kabilang ang bahagi ng driver’s side, pati na rin ang dalawa pang sakay na armored vehicles.
Binigyang-diin ni Castro na hindi magiging balakid ang pamamaril upang matuloy ang mga layunin ng administrasyon para sa BARMM.
“Sinisiguro naman na hindi ito magpapahina sa naisin ng gobyerno para sa BARMM communities na magkaroon ng maayos na paglipat o pagbabago patungo sa pamamahalang demokratiko,” dagdag pa ni Castro.
Nangyari ang pag-atake habang malapit na ang gaganaping kauna-unahang halalan para sa Bangsamoro Parliament noong Setyembre 14.
Nangako naman ang Armed Forces of the Philippines (AFP), kasama ang Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (COMELEC), na tugisin ang mga salarin at mas paigtingin pa ang mga operasyong pangkapayapaan sa mga kritikal na lugar at pangunahing daanan sa rehiyon.
Muling iginiit ng Pangulo na napakahalaga ng malinis, payapa, at pangkredibilidad na halalan upang mapanatili ang prosesong pangkapayapaan at mabigyan ang mga mamamayan ng Bangsamoro ng tamang boses sa kanilang pampolitikang kinabukasan.