Hinimok ang Department of Education (DepEd) na higpitan ang pakikipag-ugnayan sa mga law enforcement agencies upang mapigilan ang mga insidente ng school shooting sa bansa nang hindi nangangailangan ng kontrobersyal na confidential funds.
Naniniwala ang House prosecution team na napapanahon nang palakasin ng DepEd ang seguridad at koordinasyon sa mga kaukulang ahensya at, kung kinakailangan, humingi ng dagdag na budget para sa seguridad.
Tugon ito ng panel sa mga tanong ng media ukol sa posibleng pag-uugnay ng mga nagaganap na pamamaril sa mga paaralan sa usapin ng confidential funds ng DepEd.
Ayon kay Prosecution Legal Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., hindi kailangan ng confidential funds upang maiwasan ang mga ganitong malagim na insidente.
Sa halip ayon kay Tolosa, ang kailangan ay mas maigting na pagpapatupad ng seguridad sa mga eskwelahan katuwang ang mga awtoridad.
Ibinahagi naman ni Trial Spokesperson Zia Alonto Adiong na kung nagamit lamang nang maayos noong araw ang kinuwestiyong confidential funds ng DepEd sa ilalim ng pamumuno ni Vice President Sara Duterte, posibleng naiwasan at napaghandaan ang mga ganitong banta sa seguridad. Samantala, nanawagan naman si House Prosecutor Joel Chua ng malalimang imbestigasyon sa mga naganap na pamamaril upang matukoy ang ugat ng karahasan sa hanay ng mga estudyante at makabuo ng tamang solusyon.