Photo courtesy of Department of Finance
Nawagan si Finance Secretary Frederick Go sa mga lokal na assessor, treasurer, at kawani ng pamahalaan na suportahan ang pagpapalakas sa sistema ng pagbubuwis sa lupa at ari-arian.
Sa ginanap na workshop ng Bureau of Local Government Finance sa Cebu, sinabi ni Go na importanteng makuha ang opinyon ng mga lalawigan at lungsod para sa paghahanda ng Real Property Information System (RPIS), Computer-Aided Mass Appraisal (CAMA) system, at LGU Integrated Financial Tool (LIFT).
Ito ay upang maplantsa ang hakbang bago ang opisyal na pagpapatupad nito.
Ayon kay Go, layunin ng Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) na magkaroon ng iisang tumpak, patas, at makatotohanang market value nang hindi nagtataas ng buwis.
Tiniyak naman ng kalihim na bagamat pinag-uusapan pa ang eksaktong petsa ng pagpapatupad nito, tuloy na tuloy pa rin ang RPVARA at magiging mas madali ang transisyon sa tulong ng mga bagong digital systems .