Tanggap ni Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ang mga batikos na ibinabato sa ahensya, kasunod ng nangyaring pagbaha at pagka-stranded ng mga Pilipino, sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kahapon (August 17).
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ng kalihim na batid naman nila ang daming problemang naipon na sa nakalipas na mga taon, na dapat isaayos ng tanggapan.
“Dapat naman talaga mabugbog iyong DPWH eh, ‘di ba, sa dinami-dami ng mga problema dito sa departamentong ito eh’ ‘di ba, tama lang iyon eh. Pero, kailangan, isa-isahin nating aayusin iyong mga problemang, ewan ko dekada na ang binilang, nagkapatong-patong na lahat iyan.” – Dizon.
Ayon sa kalihim, kailangang tugunan ang mga nagkapatong-patong na problemang ito sa linya ng public infrastructure, at ito na mismo ang ginagawa ng DPWH sa kasalukuyan.
Sabi ni Dizon, walang overnight na solusyon sa mga problema, lalo na sa pagbaha, kaya’t sila sa DPWH, hindi titigil sa pagkilos upang masolusyunan ang mga problemang nagiging sanhi ng pag-baha at pagbigat ng trapiko, lalo na tuwing mayroong sama ng panahon.
“We just to fix every problem that we are face with, and—ang sabi nga ng Pangulo, we just have to work, trabaho lang tayo, may problema ayusin natin ‘di ba, solusyunan natin. Walang overnight solusyon, pero nakikita natin, kapag maayos ang pagkakagawa, nakikita natin may epektong maganda.” – Dizon.
Sabi ng kalihim, sa oras na maayos na ang pagkakagawa ng mga proyekto at programa, magiging epektibo at maganda ang resulta.
“Tuloy-tuloy lang tayo habang nandidito tayo, habang nandito ang Pangulo, magta-trabaho lang kaming lahat, kami ni Sec. Rex., nila General Torre, walang tigil. So iyon lang gagawin natin.” -Dizon.