Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang Department of Education (DepEd) sa insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University kaninang umaga.
Nakikiisa rin ang ahensya sa Ateneo de Zamboanga community at tiniyak ang kahandaang magbigay ng suporta sa mga apektadong mag-aaral, pamilya at school personnel.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ng DepEd na nakikipag-ugnayan din ito sa mga mental health partners para sa Psychological First Aid at psychosocial support para sa mga naapektuhan ng insidente.
Bukod dito, umapela rin ang DepEd sa media, mga vlogger, content creator at publiko na iwasan ang pagbabahagi ng mga video o larawan kaugnay ng insidente dahil maaaring magdulot ng matinding trauma at distress sa mga biktima. Hinimok din ng ahensya ang lahat na hayaan ang mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon at umasa lamang sa beripikadong impormasyon mula sa mga opisyal na source.