Nagpaaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na maghanda ng emergency go bag bilang bahagi ng paghahanda sa mga kalamidad at iba pang emergency.
Dapat itong lagyan ng tubig at pagkaing hindi madaling mapanis, damit, underwear, tsinelas at mga pangunahing toiletries gaya ng sabon, shampoo, toothbrush, toothpaste, tissue at sanitary pads.
Ipinayo rin ng DOH na maghanda ng first aid kit na may alcohol o sanitizer, bandage, band aid, ointment at mahahalagang gamot.
Kabilang din sa mga inirerekomendang survival equipment ang flashlight, posporo o lighter, pocket knife, pito, insect repellent, can opener, charger, powerbank, extension cord, battery-operated radio at kumot o balabal.
Pinaalalahanan ang mga pamilya na panatilihing nakahanda at madaling makuha ang emergency go bag sakaling kailanganing lumikas o magkaroon ng sakuna.