Nagbabala si Senator Ping Lacson na posibleng masayang lamang ang bilyun-bilyong pisong pondo ng gobyerno para sa flood control kung walang malinaw at pangmatagalang master plan para rito.
Ayon kay Lacson, isa ito sa mga itatanong niya sa Development Budget Coordinating Committee (DBCC) briefing na nakatakdang magsimula sa August 27.
Kabilang aniya sa kanyang tututukan ang mahigit P107 bilyong inilaan para sa flood control sa panukalang 2027 national budget.
Iginiit ng senador na kailangang malinaw kung paano gagastusin ang pondo at kung bahagi ito ng isang pangkalahatang flood management program dahil kung walang malinaw na direksyon, nanganganib lamang na masayang ang pera ng mga taxpayers.
Binigyang-diin ni Lacson na mahalagang integrated at tuloy-tuloy ang flood control planning dahil hindi dapat magkakahiwalay na proyekto lamang ang isinasagawa ng bawat administrasyon. Nanawagan din siya ng mas mahigpit na pagbabantay ng publiko at media sa implementasyon ng mga proyekto, kabilang ang mga contractor, dahil mas mahalaga aniya ang monitoring sa aktuwal na paggastos ng pondo.