Iginiit ni Senator Kiko Pangilinan na dapat gamitin ang panukalang P7.2-trilyong national budget para direktang mapabuti ang buhay ng mga ordinaryong Pilipino, lalo na ang mahihirap, magsasaka, mangingisda at kabataan.
Ayon kay Pangilinan, hindi dapat sukatin ang budget sa laki nito kundi sa kung gaano ito nakatutulong sa mga Pilipino.
Dapat aniya itong magresulta sa mas mataas na kita ng mga farmer at fisherfolk, mas mababang presyo ng pagkain, mas maayos na nutrisyon, disenteng trabaho at de-kalidad na edukasyon.
Binigyang-diin ng Senate Committee on Agriculture chairman na kailangang palakasin ang agriculture at fisheries sector para magkaroon ng sapat at abot-kayang suplay ng pagkain habang kumikita nang maayos ang mga mismong gumagawa nito.
Hindi rin aniya dapat mapunta sa bulsa ng iilang middlemen at contractors ang pondo ng bayan.
Giit pa ni Pangilinan, dapat sabayan ng investment sa nutrition ang education dahil mahihirapang matuto at maabot ng mga bata ang kanilang potensyal kung pumapasok silang gutom at kulang sa suporta.
Nanawagan din ang mambabatas ng mas mahigpit na transparency at accountability sa paggasta ng gobyerno para maiwasan ang corruption, overpriced at substandard projects, at favoritism sa contractors. Hinimok niya ang mga Pilipino na bantayan, tanungin at busisiin ang paggamit ng national budget upang matiyak na napupunta ito sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.