Nakiramay si Lanao del Sur Representative Zia Alonto Adiong sa mga biktima ng naganap na karahasan sa isang paaralan sa Zamboanga.
Ito ang naging reaksyon ng mambabatas matapos ang naganap na pamamaril sa Ateneo de Zamboanga, kung saan nasawi ang isang Grade 10 student at isang Grade 9 student na itinuturing na child in conflict with the law (CICL).
Ayon kay Adiong, nakaaalarma ang naturang pangyayari.
Anya, ito rin ang dahilan kung bakit isinusulong sa Kongreso ang panukalang lagyan ng regulasyon ang mga gaming platform na nakaiimpluwensya umano sa mga kabataan na gumawa ng karahasan.
Dagdag pa niya, isa itong wake-up call upang taasan ang budget ng Department of Education (DepEd) para mapalakas at masiguro ang seguridad at kaligtasan ng bawat mag-aaral. Nanawagan din si Adiong ng malalimang imbestigasyon ukol sa insidente upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima at matugunan ang mismong ugat ng problema.