Hindi tumitigil ang Office of the Ombudsman sa pagtutok sa mga sangkot sa umano’y anomalya sa flood-control projects.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang matinding pagbaha nitong mga nakaraang araw ay lalo pang nag-udyok sa kanila na paigtingin ang imbestigasyon at pananagutan sa mga responsable.
Batay sa pinakahuling update ng Ombudsman, hindi bababa sa pitong dating at kasalukuyang kongresista ang iniimbestigahan o nahaharap sa mga kaso kaugnay ng umano’y katiwalian sa government infrastructure projects.
Kabilang dito sina Tarlac 3rd District Representative Noel Rivera na nahaharap sa siyam na bilang ng graft na isinampa sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y financial ties sa isang construction firm na nakakuha ng flood-control projects.
Si Uswag Ilonggo Party-list Representative James “Jojo” Ang ay nahaharap din sa 14 na bilang ng graft dahil sa umano’y ugnayan sa isang construction firm na nakakuha ng DPWH flood-control projects.
Malapit na rin umanong ilabas ng Ombudsman ang resolusyon sa Conflict-of-Interest complaint na inihain laban kay Dating Pampanga 3rd District Representative Aurelio “Dong” Gonzales Jr.
Habang nasa preliminary investigation na rin ang mga reklamo laban kina Tarlac 2nd District Representative Cristy Cuello-Angeles at Dating Representative at ngayo’y Governor Johnny Pimentel.
Ang magkapatid na sina Representative Eric Yap at dating Representative Edvic Yap ay itinuturing ding Persons of Interest kaugnay ng umano’y substandard flood-control project sa La Union at alegasyon ng Conflict-of-Interest habang si Representative Edwin Gardiola ay nahaharap sa non-bailable complaint for malversation of public funds kaugnay ng umano’y flood-control corruption at Conflict-of-Interest allegations.