Hindi magiging hadlang ang bagong kasong perjury laban kay Ramil Madriaga para maisalang pa rin siya bilang testigo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House prosecution legal spokesperson at private prosecutor Atty. Benjamin Tolosa Jr., hindi magiging batayan ang naturang reklamo sa desisyon kung tatawagin pa nila si Madriaga sa witness stand.
Aniya, tanging pangangailangan sa kanyang testimonya ang kanilang pagbabatayan, partikular kung may maihahayag pa siyang ebidensyang hindi naitatag ng mga naunang testigo kaugnay ng Article I o umano’y maling paggamit ng confidential funds.
Sinabi ni Tolosa, na nire-review ng prosekusyon ang kanilang witness lineup matapos ang bawat pagtestigo upang maiwasan ang paulit-ulit na testimonya at hindi na mapahaba pa ang paglilitis.
Kung mapagpapasyahan nilang mahalaga pa rin ang salaysay ni Madriaga, ilalagay pa rin siya sa witness stand sa harap ng mga senator-judge.
“Again, our decision will be solely based on whether his intended testimony has already been covered by the other witnesses…If we think his statement would still be essential for us to prove our case, then we’ll put him on the stand. But if not, we would not waste any more time on him,” giit ni Tolosa.