Patuloy na nakatutok ang Department of Social Welfare and Development – National Capital Region (DSWD NCR) sa mga residenteng patuloy na binabaha sa Metro Manila.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, nakapagpaabot na ito ng ₱41.2 milyong halaga ng tulong para sa apektadong residente.
Bilang bahagi ng patuloy na pagtugon sa pangangailangan ng mga apektadong komunidad, nakapaghatid na rin ang DSWD Field Office NCR, katuwang ang mga LGU ng kabuuang 46,089 Family Food Packs (FFPs) at 7,200 Ready-to-Eat Food Boxes bilang resource augmentation.
Samantala, aabot pa sa 2,686 pamilya o 7,840 katao ang lumikas at kasalukuyang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center.
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa mga Lokal na Pamahalaan para matiyak ang agarang pagtugon at paghahatid ng kinakailangang tulong sa mga pamilyang apektado ng pagbaha.