Nilinaw ng Department of Education (DepEd) na hindi lamang sa mga pampublikong paaralan ipinatutupad ng pamahalaan ang kampanya laban sa karahasan.
Sa harap ito ng insidente ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University na ikinasawi ng dalawang mag-aaral kahapon ng umaga.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, mahigpit din nilang itinutulak ang pagkakaroon ng safety at security measures sa mga pribadong paaralan.
Katunayan, nakatakda sanang isagawa ang “active shooter drill” sa nasabing paaralan sa unang araw ng Setyembre, ngunit naunahan ito ng insidente.
Aniya, hindi na lamang ito problema ng paaralan at ng mga kabataan kundi ng buong komunidad at ng bansa, kaya mahalaga ngayong magkaisa ang mga komunidad upang maipatupad ang wastong intervention. Idinagdag pa ng kalihim na kailangan ang “bayanihan” na pagkilos sa mga ganitong insidente.