Photo courtesy of Presidential Communications Office (PCO)
Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na magsagawa ng 24/7 monitoring sa Magat Dam sa Isabela at Pantabangan Dam sa Nueva Ecija habang nagpapatuloy ang malakas na pag-ulan.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, nagbaba ng direktiba ang Pangulo, upang maprotektahan ang mga komunidad sa downstream areas.
Ayon sa National Irrigation Administration (NIA), nasa 178.27 meters above sea level ang water level ng Magat Dam, habang nasa 187.72 meters above sea level naman ang Pantabangan Dam.
Iniulat ng NIA na walang nakabukas na spillway gate sa dalawang dam at wala ring naitalang spillway discharge.
Wala rin aniyang malawakang pinsala sa mga taniman ng palay sa kabila ng patuloy na pag-ulan.
Sinabi ni Castro, na nakatulong din ang mga pag-ulan sa agrikultura dahil napalakas nito ang supply ng tubig para sa irigasyon, partikular sa mga lugar na naapektuhan ng El Niño.
Ayon sa NIA, kayang patubigan ng Magat Dam ang humigit-kumulang 90,000 ektarya, habang kaya namang patubigan ng Pantabangan Dam ang nasa 100,000 ektarya.