Nagkasundo ang National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at Land Registration Authority (LRA) sa mga hakbang para sa pagkilala at pagpaparehistro ng lupang ninuno ng mga katutubong Teduray at Lambangian.
Nakipagpulong si NCIP Secretary at Chairperson Nancy Catamco kay LRA Administrator Atty. Gerardo Panga Sirios, kasama ang mga kinatawan ng Ministry of Indigenous Peoples’ Affairs ng BARMM.
Tinalakay sa pagpupulong ang mga legal, teknikal, at administratibong hakbang para sa pag-iisyu at pagpaparehistro ng Certificate of Ancestral Domain Title (CADT).
Kabilang sa mga tinalakay ang Segregated Ancestral Domain Map, mga umiiral na karapatan sa loob ng claim, at mga prosesong kailangang isagawa upang matugunan ang mga natitirang usapin at maiwasan ang overlap sa lupa.
Layunin ng pagtutulungan ng mga ahensya na matiyak ang pagkilala at proteksyon sa mga karapatan ng mga katutubong pamayanan, kasama ang kanilang lupang ninuno, kultura, at pagkakakilanlan.