Photo courtesy of Rep. Brian Yamsuan
Nanawagan si Parañaque City 2nd District Representative Brian Yamsuan sa mabilis na pagpapatibay ng National Land Use Act (NLUA).
Ayon kay Yamsuan, layon ng panukalang batas na magkaroon ng pambansang patakaran sa paggamit ng lupa upang matugunan ang paulit-ulit na pagbaha sa mga mabababang komunidad.
Mahalaga aniya ang isang nagkakaisang balangkas sa pamamahala at pagpaplano ng lupain upang makabuo ng isang pambansang masterplan na science-based laban sa mga pinsalang dulot ng baha.
Inaasahang pagsasamahin ng pambansang batas ang magkakahiwalay na plano ng mga lokal na pamahalaan (LGUs) at ng pambansang pamahalaan.
Mapipigilan din nito ang pagpapatayo ng mga bahay, gusali, at imprastraktura sa mga kritikal at protektadong lugar na nagpapalala ng pagbaha.
Magbibigay din ito ng mas malakas na ngipin sa gobyerno upang ipatupad ang mga regulasyon sa tamang paggamit ng lupa.
Iminungkahi rin ni Yamsuan ang isang komprehensibong pag-aaral na nakatutok sa behavioral, environmental and historical (BEH) aspect ng mga komunidad na madalas bahain.