Muling pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko sa kahalagahan ng pagtutulungan at simpleng pagpapakita ng malasakit sa mga kasamahan sa trabaho, upang mapangalagaan ang kalusugang pangkaisipan ng bawat isa.
Ayon sa kagawaran, ang simpleng pagtapik sa balikat, pag-aalok ng pagkain, o pagtawag upang kumustahin ang isang katrabaho ay malaking tulong upang maiparamdam na may dumadamay sa kanila sa gitna ng pang-araw-araw na stress sa trabaho.
Binigyang-diin ng DOH na mahalagang alagaan ang sarili habang patuloy na sumusuporta sa kapwa.
Para sa sinumang nangangailangan ng propesyunal na tulong o gustong magkaroon ng makakausap hinggil sa mental health, maaaring tumawag sa National Center for Mental Health Crisis Hotline sa numerong 1553.