Nananawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng karagdagang mga volunteer para mas mapabilis ang produksiyon ng family food packs (FFPs) na kinakailangan ngayong panahon ng kalamidad.
Sa panayam ng Juan Trabaho kay DSWD Volunteers Management Unit Head Vincent Cabaluna, sinabi nitong papalo sa 270 na volunteers ang kinakailangan nila kada araw para sa mga Disaster Resource Center ng DSWD mula Luzon, Visayas, at Mindanao.
Kabilang sa mga requirement ay kailangang 15-taong gulang pataas ang volunteer at physically at mentally-fit ang mga ito.
Pagdating sa edad at estado ay wala rin silang diskriminasyon dahil kahit pa senior citizen o may kapansanan basta’t kayang mag-repack ng family food packs ay welcome sa DSWD.
Ani Cabaluna, nananawagan sila ng dagdag na volunteer upang mapataas pa ang kasalukuyang stockpile ng family food packs na ngayon ay ginagamit sa mga isinasagang relief operations.